
Happy Fiesta Sto. Tomas de Villanueva
Si Santo Tomás de Villanueva ay isinilang sa Fuente-Llana, Espanya noong taong 1486. Lumaki siya sa bayan ng Villanueva de los Infantes kung saan unang nakita sa kanya ang malaking pagmamahal sa mga dukha. Nag-aral siya sa Unibersidad ng Alcalá kung saan nakakuha siya ng lisensya sa sining, lohika at pilosopiya. Naging bahagi rin siya sa kagawaran nito ng pagtuturo at naging tanyag na propesor. Doon niya natuklasan ang kanyang bokasyon kaya iniwan niya ang pagtuturo at pumasok sa pagiging Ermitanyo ni San Agustin sa bayan ng Salamanca. Inordinahan siyang pari noong Disyembre 8, 1518 at ipinagdiwang niya ang kanyang unang Misa noong araw ng Pasko. Dahil sa kapuri-puring halimbawa niya bilang Agustino ipinagkatiwala sa kanya ang iba’t-ibang klaustro ng kanilang Orden. Naging Superyor siya ng Salamanca, Burgos, Valladolid, Castilleon at Andalucia. Itinanghal pa siyang pinakamahusay na orador sa Espanya at naging kapelyan sa loob ng palasyo ni Haring Carlos V. Bilang Agustino naging matuwid si Santo Tomás sa kanyang mga paghatol, kahanga-hanga ang malinaw niyang isip at ang kanyang mga halimbawa ng sakripisyo at panalangin. Sa tuwing nagdiriwang siya ng Banal na Misa siya ay umaangat sa hangin at nagliliwanag ang kanyang mukha. Maituturing na pinakamalaking himalang kanyang nagawa ang pagbabalik-loob ng mga Nuevos Cristianos. Ito ay dahil sa kanyang kabigha-bighaning pagpapahayag ng Salita ng Diyos.
Noong Setyembre 8, 1555, kapistahan ng kapanganakan ni Maria, pumanaw si Santo Tomás habang paulit-ulit na binibigkas ang pangalan ni Jesus at Maria.
Matapos ang 30 taon, hinukay ang kanyang mga labi at natagpuang buong-buo pa ito.
Noong Nobyembre 1, 1658, kinanonisa ni Papa Alejandro VII si Santo Tomás de Villanueva at itinalaga ang kapistahan niya tuwing Setyembre 22.
(mula sa SINO KA BA SANTO TOMÁS DE VILLANUEVA ni Winston S. Victorino, 2001)
Sto. Tomas De Villanueva, Ipanalangin mo kami 🙏🏼