Skip to main content

Happy Fiesta San Roque

Si San Roque ay Anak ng isang Gobernador sa Monpeller, bansang Francia. Siya ay naulila sa edad na labingdalawa sa kanyang Ama, at edad na dalawampu sa kanyang Ina. Sinasabing si San Roque ay hiningi ng kanyang mga magulang sa Mahal na Birhen at noong ito’y ipinanganak ay nakita ang isang Krus na mapula sa kanyang dibdib na ikinahula ng mga kabanalang gagawin niya.
Noong maulila siya sa kanyang mga magulang, iniwan niya ang marangyang buhay sa Pransya, ibinigay ang kanyang mga ari-arian sa mga dukha at nagdamit siya’y Peregrino at naglakbay patungong Roma. Sa lahat ng bayang nadadaanan niya ay may salot na pumupuksa sa mga tao, kaya’t siya’y nanggagamot sa pamamagitan ng pag-kukrus sa mga may-sakit at sila’y gumagaling.
Sa Roma, siya’y nakahalik sa mga paa ng Papa Benedicto XI. Sa Bayan ng Placencia, sinubok siya ng Diyos. Nahawa si San Roque ng salot at pinatapon siya sa Gubat, doon ay hindi siya pinabayaan ng Diyos, may nagdadala kay San Roque ng tinapay at ang nagdadala nito ay isang aso. Noong gumaling si San Roque, siya ay bumalik sa sarili niyang bayan, ngunit hindi siya nakilala ninuman at inakusaan pang espiya ng kanilang kaaway. Hinatulan siyang mabilanggo habang-buhay ng kanya mismong Tiyuhin. Namatay si San Roque noong Agosto 16, 1327 at nakita ang isang tablang kinasusulatan nito: “AVISO, Los Que Fueren Heridos de Peste E Implora de ROQUE Alcanzaran, SALUD” Na ang Kahulugan ay “Kung Sino mang tumawag sa aking aliping si ROQUE ay ipag-aadya ko laban sa salot, aang-alang sa kanya.” Siya ang Patron ng mga may-sakit at mga tinamaan ng salot.
Ipanalangin mo kami, San Roque.

Official Website of Municipality of San Luis