
Happy Fiesta San Agustin
Si San Agustin ay isinilang noong ika-13 ng Nobyembre, 354, sa Tagaste (ngayon ay Souk-Ah-ras, Algeria) sa hilagang Africa at namatay noong Agosto 28, 430. Ang kanyang mga magulang ay sina Patricio at Santa Monica. Ang kanyang ama ay pagano at opisyal na Romano samantalang si Monica ay isang masugid na Kristiyano, sinikap niyang hubugin sa pamumuhay na Kristiyano ang kanyang anak.
Noong taong 370, nag-aral siya sa Cartago ng retorico sa pagnanais na maging isang manananggol sa batas at iniukol ang sarili sa pananaliksik sa mga kaalaman ukol sa mundong ito at unti-unting tinalikuran ang pananampalatayang Kristiyano. Siya ay nakisama sa isang babae sa loob ng 15 taon at sila’y nagkaanal, si Adeodato.
Nagkaroon siya ng hilig sa pilosopiya at noong 373, siya ay sumapi sa Manikeismo, isang heretikong sekta.
Matapos magturo sa Tagaste at Cartago, nagtungo siya sa Roma noong 383 at nagbukas ng paaralan ng retorico, subalit nang sumunod na taon ay lumipat siya sa Milan. Doon hinikayat siya ng kanyang ina na makinig sa mga paliwanag ng Obispo ng Milan, si San Ambrosio. Sa pamamagitan ng pakikinig sa mahusay na Obispo, naantig ang kanyang puso at nagbagong-loob, at nagpabinyag sa naturang Obispo noong gabi ng Muling Pagkabuhay, taong 387, sa gulang na 33.
Tinugon ng Diyos ang mga panalangin at pagpapakasakit ng kanyang ina. Nang sila ay pabalik na sa Africa namatay si Sta. Monica sa Italya subalit natupad ang kanyang minimithi na makita niya bago siya mamatay si San Agustin na isang matapat na Katoliko. Pagdating sa Africa, itinatag niya ang isang monasteryo sa kanilang lunsod. Noong taong 391, sa paghimok ng mga taga-Hippo (ngayon ay Annaba, Algeria) siya ay inordenang pari at makaraan ang 5 taonhinirang siyang obispo. Siya ang nagging pangunahing pinuno ng Simbahan sa Africa sa kanyang kapanahunan.
Nagwakas ang kanyang paglilingkod bilang matapat na Obispo ng Hippo nang siya ay bawian ng buhay noong Agosto 28, 430, sa gulang na 76.
Sa panahon ng kanyang pagiging obispo, marami siyang inakdang mga aklat at sulatin hinggil sa pagpapaliwanag at pagtatanggol ng pananampalataya, sapagkat noon ay laganap ang iba’t-ibang maling sekta na nagpapagulo sa pananalig at umaakit ng maraming Katoliko. Nariyan ang Manikeismo, Donatismo, Pelagianismo. Dahil dito siya ay itinanghal ng Simbahan bilang isa sa mga dakilang Ama at Pantas ng Simbahan.
San Agustin, Ipanalangin mu kami. 🙏